Malayang sulat lang dahil ‘di makatulog

Malayang sulat lang dahil ‘di makatulog,  gabi ng Hulyo 27, 2010

ni Jean Enriquez

Maaga syang nawala sa amin.  Nuong una ko pa lang nalaman na nawawala siya ay hindi na makayanan ng dibdib ko.  Dalawampung taong gulang ako.  Dalawampu’t pito ang aming panganay na kapatid.  Nagkakampanya ako nuon, kasama ng aming partido sa kampus, para umupo sa kunseho sa UP, taong 1988.  Kakatwa dahil ang unang tao ko pang pinagbuhusan ng emosyon ay lihim na miyembro rin pala ng armadong grupo sa kalunsuran.  Humagulhol ako na parang alam ko nang di maganda ang kahahantungan ng balitang dinala sa akin ng aking ina, hipag at kapatid. 

Tatlong araw nang di kumokontak ang aking Kuya sa kanyang asawa. Habang nangangampanya ay dinala rin ng ibang partido sa kampus ang isyu ng pagkawala ng aking Kuya.  Marami ang di nakakaunawa.  Ang akala ng marami ay militar ang kumuha dahil ang aking Kuya ay nag-oorganisa sa mga maralita sa kalunsuran. Subalit mas mahirap ipaliwanag ang kanyang pagkawala.  Panahon iyon ng “paglilinis” sa kilusang lihim.  At ang kuya ko ay pinaghinalaang ahente ng “kaaway”.  Iyon ang unang nagpasiklab ng aking galit.  Bakit ang kuya ko?  Samantalang siya ang pinakamasunurin sa kilusan sa aming magkakapatid. 

Ako ang rebelde, ako ang di sumusunod sa “linya.”  Ilang beses na kaming nagdebate sa pagtingin – sa “boycott position” nuong 1986, sa Mendiola massacre, sa marahas na kondukta ng mga pagkilos, at marami pang iba.  (Ah, ang pundamentalismong ipinagtanggol ng kuya ko, ay sya ring pumatay sa kanya.) Bakit ang kuya ko?  Samantalang pumupunta siya sa pulong nang di naliligo dahil ang sabi niya ay di dapat mahuli sa mga usapan.  Ako ay nagpupustura at nagtatagal sa paghahanap ng damit bago pumunta sa pulong, na dapat ay nagsimula na.  

Hindi alam ng malawak na publiko ang mapagkumbabang pagsisilbi niya sa mahihirap.  Ako, dahil isang ‘mass leader’, ay pinatampok ng mga information officers.  Oo’t nagsasalita ako sa mga malakihang rali, nagsusulat ng mga pahayag at modyul, nagpapanday ng mga pinuno.  Subalit ang kontribusyon ng kuya ko, para sa akin, ay mahirap, di nakikita, nguni't pangmatagalan. Kamakailan din ay nalaman ko sa kanyang asawa na kung minsa’y di kumakain ang kuya ko dahil ibinibigay niya ang kaunting kusing niya sa mas walang-kaya sa kanya.  

Ipinagmamalaki kong “Kristo” ang tinawag ng mga kasama at kaibigan sa kanya.  Di lamang sa anyo, ngunit sa sakripisyo.  Alam kong sinikap nyang sundin ang yapak ng unang humawak ng pangalang iyon.  Payak, hindi kumukuha ng atensyon, mapanuri, may pagkiling sa dukha, may pagkiling sa paglikha – lalo na sa musika -- malalim, mapagmahal (bagama’t hirap itong ipakita)…Maikli ang naging buhay ng kuya ko subalit nananatili ang kanyang epekto.  Hindi lang sa mga pamayanang mapalad niyang na-organisa, kundi sa akin.  Patuloy akong natututo sa kanyang katahimikan, katapangan, pagiging malalim, mapagkumbaba, bukas at makatuwiran.  Mali man ang kilusang ipinagtanggol niya, hindi ko iiwanan ang mas dalisay niyang paninindigan – para sa katarungan. 

Salamat, Kuya ko.

Jean