Nung ika-30 ng Nobyembre, 2011, nakadalo ako sa enshrinement ng mga martyr ng rebolusyon sa Bantayog ng mga Bayani. Ilang martyr doon ay kakilala ko pala ng personal, mula sa YS, TU at peasant. Usap-usapan sa pagtitipong ito ay kung talagang gugunitain ang lahat ng naging martyr sa pakikibaka laban sa diktadura ni Marcos, aba'y mauubos ang pader ng Bantayog, dahil higit sa napakarami nang mga ito.
Para i-enshrine ang mga martyr, binasa ang kanilang "talambuhay". Mas importante kung paano nila ginanap ang kanilang buhay, kaysa sirkumstanya ng kanilang pagkamatay. Kaya hindi higit na dakila ang namatay sa labanan kaysa namatay sa hika. Basta nung buhay ka, may naiambag ka sa pakikibaka, at hindi nasayang ang iyong buhay.
Sa pag-uwi ko mula sa pagtitipong ito, inisip ko kung gaano na karami ang kakilala kong martyr - mga bayani - mas hindi man kakilala, dapat pa ring gunitain ang kanilang naging buhay.
Pagdating ng December 10, 2011, nakadalo naman ako sa pagtitipon ng Dekada '80 Boks! na nung una ay reunion lang ng mga tibak ng NU hanggang nag-expand na para sa lahat ng naging tibak sa U-belt. Masaya, kasi masayang makita muli ang mga dating masaya nang kasama, na matagal nang hindi nakita.
Maliban sa update kung saan-saan na ang bawat isa sa kasalukuyan, at pag-aala-ala sa mga dating kalokohan, napag-usapan din ang mga kasama na dati nang yumao. Ang ating mga personal na kakilalang martyr - mga taong hindi natin ikahihiyang ilagay sa Bantayog, pero dahil hindi kilalang mga tao, mahirap asamin na makakarating ang kanilang mga pangalan sa Bantayog.
syempre una kong naalala si Kristo --- Jose Mari Enriquez, naging kalihim ng komite na namamahala sa Kadena Maynila. Pero sa susunod na taon nominee na sya sa Bantayog eh. pirma na lang tayong lahat sa petisyon kung sang-ayon kang ma-enshrine sya doon.
Pero marami pang iba, sa balangkas ng Kadena-Maynila. Sabay ng paggunita natin ng Pasko, magtitirik ako ng sarili nating Bantayog ng mga Bayani bilang gunita sa kanilang pagka-martyr, at pagiging aktwal nating naging kasama at kaibigan.
Naaalala ko si Ira Francisco, Kadena Paco. Biktima ng karahasang militar. Nadukot habang nagdidikit ng anti-US Bases posters sa Taft, hindi na nakauwing buhay. Naaalala ko lang syang masipag, dedikado, mabait, isang mahusay na kadre ng Kadena.
Naaalala ko rin si Macky, Kadena Hulo na kumilos sa South Manila. Batang makulit, tipikal na kabataan sa komunidad, galing sa mahirap, pero malakas ang loob, masayahin, at mabuting tao. Sumampa sa hukbo sa Batangas, nakubkob sa labanan, tinamaan pero dahil sa tapang at husay sa paggamit sa kanyang dalang shotgun, hindi malapitan ng militar hanggat nanghina na lang sya sa dami ng dugong nawala, at inubos ang isang klip ng armalite sa kanyang mukha. Namatay sya, pinaglamayan at sa ala-ala ko, nilibing na suot ang violet T-shirt na binigay ko sa kanya bago sya sumampa.
Naaalala ko si Gil ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Larry Cabillon ang tunay na pangalan. Naging kagawad ng CYC, Komite ng Kabataang Lungsod, kalihim ng PLM. Tahimik, mahilig sa music, masinop sa gawain, mapagkumbaba, pero kapag nagpapatawa halos mahulog ang pustiso. Naayang mag-expo sa NL, nagpasyang mag-fulltime doon. Hindi naglaon sumapi sa Hukbo, naging bahagi ng isang matagumpay na aksyong-militar, pero sa labanan ay nahagip ng bala ng kaaway, sa likod ang tama. Ilang linggo pa bago nakuha ang kanyang bangkay, at tinubos ng kanyang ina mula sa militar para mabigyan sya ng maayos na libing.
Naaalala ko rin si Inday ng PWU, naging kagawad ng komiteng lihim ng Kadena-Maynila. Tubong-Dipolog, mahusay na manunulat sa pahayagang kampus, maliit na babae, masugid na niligawan ni Macky. Loyal na rebolusyonaryo. Mag-iimmigrate na sa U.S. ang kanyang mga magulang, at dapat kasama sya, pero pinili nyang huwag iwanan ang kanyang rebolusyonaryong gawain at pinatira pa nya ang kanyang mga magulang sa UG house ng Kadena-Maynila bago tumulak ng U.S. ang mga ito. Matapang si Inday, o Dayin, Elena Pulido sa tunay na pangalan, at hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay kinokomprontasyon pa ang mga militar na kumubkob sa kanilang UG house ng Red Scoprion Group (RSG) sa Paranaque (yata).
Naaalala nyo ba si Gelboy? Ang pinakabatang kagawad ng Kadena-Maynila bago ito nahagip ng "kahibangan". Si Gelboy ay si Mel Tena, tubong Quezon, palaging masinop, walang tinatanggihang gawain kahit sa kanyang limitadong kaalaman. Dala-dala pa rin nya sa UG house ang kanyang kabiguan na sya ay lumaki na bahagi ng isang broken family, pero ang kilusan ang humubog sa kanya na magkaroon ng panibagong kahulugan ang kanyang buhay. Umuwi ng Quezon noong nabuwag ang CYC dahil sa "kahibangan", matapos ang hiwalayan ay nagre-affirm, kumilos pa rin sa Quezon, at nahagip ng karahasang militar noong kahit na nagpahinga nsa sya sa pagkilos ay dinukot pa rin at pinaslang bilang ganti sa pagkalagas ng isa nilang kasamahan.
Isasama ko na rin dito si Chong ng FEU. Nasa maselan na gawain sa Distrito nang maiulat na sya ay nawawala. Natagpuang patay ilang araw ang lumipas, pinaslang ng mga dumukot sa kanya. Si Chong ang kauna-unahang lider ng ABB na hayagang inilibing sa North Cemetery. Ang mga susunod na attempt para maglibing ng kadre ng ABB ay palagi nang binubuwag ng kapulisan, kaya wala nang sumunod na naging matagumpay na martsa-libing ng mga lider ng ABB. Kadena-Maynila lang ang naglibing kay Chong.
Alam ko marami pa akong hindi naaalala na kasamahan natin noon, at umaasa akong magbabahagi rin kayo ng ala-ala tungkol sa mga kasamang nabanggit.
isang maalab na pagpupugay!
Kadena Maynila
25 Disyembre 2011