Dalawang Tula: Epifanio San Juan, Jr.

Photo from Davao Today

“MAGKASIPING BUONG GABI”

Handog sa mga aktibistang pinaslang sa Nasugbu, Batangas, noong Nobyembre 2015: Joaephine Anna Lapira, Glen Aytona, at mga kasama; pakikiramay sa mga unyonistang pinatay noong “Bloody Sunday,” Marso 2021

NI E. SAN JUAN, Jr.

 

Magkatabi lang—di magkayakap— silang nasawi sa engkuwentro

sa Nagsugbu, Batangas,

nireport sa TV, radyo, 28 Nobyembre 2017…

 

Magkatabi sina Josephine Anne Lapira at Glen Aytona, nakahandusay….

Ewan kung magkasuyo magdamag….

 

Pahayag ni Kumander Patnubay de Guia: “Oo, amin sila….”

Inangkin ng ina ang walang kislap na mata ni Glen Aytona,

Umahon ang mga bodhisattva mula sa liblib na purok ng Samsara—

Sa paglipat nawindang ang duguang blusa ni Kamila Mangan—

 

Magkatabi ang mga bangkay, daing natin, patungong Nirvana

mula sa masukal na sitio ng Batulan at Pinamintasan….

 

Magkayap na kaya sila sa buong magdamag ng paglalamay?

 

Sambitin mo, Kumander, kung hindi nawaldas ang alay nila….

Naumid ang dila, nabingi, sumikip ang agwat

ng Samsara at Nirvana, ng sandaling ito at magdamag….

 

Di lang isa ang kandila, batid natin ang mga pangalan: 

Josephine, Kamila, Glen—

“Magkasuyo buong gabi” ang mga magulang, asawa, katipan….

Ito ba ang ating daigdig? Patuloy ba tayong maglalambingan

sa awit ng mga sirena sa TV, radyo, midya?

 

Wala nang tinig kundi sikdo’t kabog ng dibdib, 

umaangil, sumasabog sa daigdig na gumuho’t nawarak.

__________________________________________________________________

 

LAKBAY NG BAGUNTAONG NAGLAGALAG: Komprontasyon sa West Philippine Sea

 

 

Pumalaot na, walang tiyak na daungan o dalampasigan—

Kung saan ko naisip makarating, wala ako roon, humantong man….

 

Sandaling sumungaw sa butas ng aking himlayan, bulalakaw!

 

Nakabalik ka rin mula sa Taormina, sintang balikbayan,

Tumupad sa pangakong magbabalik kung kinakailangan

 

“Kusang binangga kami ng Intsik, di kami tinulungan—

Umikot muna upan tiyaking lumubog na, tapos tumakbo!”

 

Batid mong ngayon ay inaanod, napapadpad sa kinabukasan

Kaya hindi ka na tumigil sa Thessaloniki, naibsan ang pighati—

Sabi ng pilosopo, ang gumugulong ay di hihinto hanggang di pinipigil….

 

Umiiwas ka sa unos o sigwa, di mo akalaing babanggain ka….

 

“Oo, umikot sila, nilente kami, nang matantong lubog na,

Dagling sumibat, tumakbong palayo! Walang awang mga hayup!”

[Testimonyo ng kapitan ng GEM VIRI, 6/14/2019]

 

Nakabalik na mula sa Colombo, Sri Lanka, taglay sa pusong nawindang

Ang memorabilya ng Tigreng Tamil, mandirigmang nakaligtas….

 

Kung hindi ikaw, sino ang sasagip sa nasawing manlalayag?

Umiwas ka sa lagim ng sakuna, sa tukso ng Mutya ng Bali,

Kundi ngayon, kailan pa? Saan isusugod ang katawang naipit?

 

Binangga kaming pumalaot, lumayag, tinawid ang panahong masungit….

 

Binangga nga—Gulat, nasindak, daigdig mo’y abot lamang sa hiyaw

Ng saklolo sa dalampasigan ng Jolo o Zamboanga—

Buti’t di ka napikot ng aswang sa Siquijor o tokhang sa Mindoro—

 

Binangga ka ng maamo’t mailap na buwitre ng imperyong sumasakop—

 

Di na kailangang humibik, ngitngit ng himagsik sa kapalarang nasapit—

Bakit nga ba tumawid ang hayop sa kabilang ibayo?

Tanaw mo na sa pinto ng San Agustin ang kumakaway na bisig—

 

Sa Balwarte ng San Diego naglalamay ang armadong kaluluwang lagalag….

 

###