ARBOZO, Isagani E.

12 TAON NG KAWALANG HUSTISYA KAY KA AMBET AT KA MELOK Si KA AMBET (Isagani E. Arbozo o Gani) ay pinaslang ng mga kaaway ng pagbabago noong 17 Pebrero 2000, kasama ang kaibigang si Camilo “Melok” Carpio, sa mismong harapan ng Tanggapan ng Punong Lungsod sa ikalawang palapag ng city hall ng Antipolo kung saan sila’y kapwa mga kawani. Ang salarin, si Lito Balu, dati ring kawani ng lokal na pamahalaan, ay inaresto ng pulisya matapos ang pamamaslang, subalit pagdating sa himpilan ng pulisya ay itinago sa opisina imbes na sa kulungan at tinanggalan ng posas. Pinabuksan pa nito ang aircon sa tanggapan ng pulisya at nagpatimpla ng kape. Ngayon, labing-dalawang taon makalipas ang pamamaslang, hindi pa rin naigagawad ang katarungan sa mga pamilya nila Gani at Melok. Ang kriminal, tila ginantimpalaan pa, ay itinaas ng pwesto bilang empleyado ng pambansang tanggapan ng LTO.