BATI-ON, Prudencio

Inosenteng bata pa si Dencio nang dumating sa Maynila, lulan ng sang bapor mula pa sa Kabisayaan. Karaniwang tao, kwento ng kanyang misis na si Daday.  Malakas ang punto, di gaanong masalita pero masayahin, at tulad ng marami, may pangarap na makapag-aral sa Maynila at maging isang pulis.

Nagkataong lumalawak ang mga protesta noon laban sa martial law, at mabilis na narekrut si Dencio sa isang cultural group. Naimpluwensyahan ng kapatid na manggagawa at unyonista sa Rubber World. Sumikat ang palabang union ng Rubber World dahil sa kakayanan nitong magmobilisa ng libu-libong manggagawa sa mga pagkilos.

Mabilis ding nakatikim si Dencio ng reaksyon ng pulis at military sa mga pagkilos, nang unang lumahok ito sa OP o operasyong pinta. Nadetayn nang dalawang beses sa Camp Bagong Diwa at sa Bicutan dahil sa paglahok sa kilusang laban sa diktadurang Marcos.

Si Daday naman ay isang estudyante sa Gregorio Araneta University Foundation o GAUF.  Sumama sa eksposyur program ng GAUF sa isang maralitang komunidad.  Sumama sa JAJA Valenzuela at lumahok sa mga piket layn kung saan siya rin ay naaresto.

Hindi niya alam, ilang beses na siyang nakita ni Dencio, na mabilis humiling ng permisong manligaw sa kanya.  Napahanga si Daday sa tapang (walang inuurungan sa trabaho) at sipag ng aktibista.  Kung yung iba ay mahilig sa mga diskusyon, si Dencio naman ang practical worker, aniya, abala sa pag-oorganisa at pagmumulat. Kinasal sila at nagkaroon ng apat na anak—si Roja Guia, Icarus, Nadezka at Andrea.

Malaki ang naging kontribusyon ni Dencio sa paglakas ng kilusang manggagawa sa mga syudad ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela. Naging organisador siya ng Sosyalistang Kilusan ng Manggagawa o Socialist Workers’ Movement. Mainit ang mata ng military at mga kapitalista sa kanya.

Bago mahuli si Dencio noong 1999, may pahiwatig na na siya’y hinahanap ng militar.  May kaunting selebrasyon noon sa bahay ng kanyang kamag-anak.  Bukas ang gate at may mga lalaking sumilip, hinahanap si ‘Drigo’ na palayaw ng ilang mga kaibigan sa kanya.  ‘Walang Drigo dito’ ang sagot ng mga tao, kaya umalis ang mga lalaki.

Alam ng kanyang pamilya na may mga lakad si Dencio noong 1 Marso 1999, pero nabigla sila nang di ito bumalik sa bahay o tumawag man lamang, na karaniwang ugali niya.  Napag-alaman ni Daday na nakatawag pa ang asawa sa isang kakilala noong 11:30 am at sa kanyang pamangking babae noong 12:00 ng tanghali.  Matapos ay biglang naglaho si Dencio na parang bula.

Hanggang ngayon, sobra 14 na taon na ang nakalipas, hindi pa alam ang aktwal na nangyari kay Dencio. Malakas ang loob, hindi nangimi si Daday na ilang buwang pumunta sa mga punerarya, silipin kahit mga lumutang nang bangkay at gumala sa mga kampong militar. Nagbakasakaling makita’t makilala ang kanyang asawa. Tumigil na lamang siya dahil sa pag-aalala na baka pati siya’y maapektohan sa kanyang paghahanap, at madamay pati na ang kanyang apat na anak.

 by vdeguzman