Mario L. Cuezon
Ang buwan ng Hulyo sa taong 1980 -- lalo na ang Hulyo 21 hanggang Hulyo 26 -- ay siyang pinakamataas na antas ng pagkilos ng kabatang estudyante laban sa Education Bill of 1980, di-makatarungang pagtaas ng tuition fee, mga sirang pasilidades at iba pang mga suliraning kumaharap sa pamantasan at sa lipunan. Ilang libong mga mag-aaral ng mga pamantasan ng Metro-Manila ang lumabas sa kanilang mga silid-aralan upang ilabas ang
kanilang mga karaingan.
Ang talaarawang ito ay nagpakita sa mga pangyayari sa Pamantasan ng Pilipinas. Binago ang mga pangalan ng mga tao, maliban sa mga lider-estudyante.
Lunes. Hulyo 21, 1980
“Walang klase!”
Ang sigaw na ito ang gumigising sa akin. May bagyo. Signal number two daw. Pero wala pa ring klase. Kaya natuwa ako. Hindi kasi ako nakapag-aral kagabi sa mga subjects ko ngayon. Pero mayroon daw sa hapon, depende sa takbo ng panahon. Pero kahit walang klase pumunta pa rin ako sa AS. Alam kong maraming tao kasi.
Hindi ako nagkamli. Marami nga. Nakatambay lang ang mga estudayante sa kani-kanilang tambayan. Nag-uusap. Naghihintay ng kanilang klase sa hapon.
Ako naman nagtambay rin.
Patulong-tulong sa pag-ayos ng mga statements para sa distribution. May malaking kampanya kasi para sa boycott bukas. Boykot bilang pagtutol sa
Education Bill na nagnanais masentralisa ang sistema ng edukasyon. Sa pamagitan ng bill, mapapasailalim ang UP sa Ministry of Education and Culture. Kailangan
daw ito para sa “pambansang kaunlaran”. Sa katotohanan, lalo pa itong magsasadlak sa sistema ng edukasyon sa mas lalong kaawa-awang kondisyon.
Kaya kampanya kami nang kampanya sa hapong iyon. “Mawawala na ang awtonomiya ng UP,” ang ibinabandila namin. Sa RTR (room to room), chalk brigade at mass di (mass distribution). Tumulong ako sa RTR sa PHAN kasama sina Lowella at Vanessa. Basta sumama lang ako pagpasok sa bawat kuwarto. Karaniwan, ang nagsasalita ay sina Lowella. Second the motion na lang ako palagi.
Sa gabi, may binabalak na noise barrage. Kasama ng protesta laban sa Education Act o EdAct. Gusto kong marinig. Kaya matagal akong umuwi. Hindi pa kasi ako nakarinig ng noise barrage noon. Kasi, noong nasa Kalayaan pa ako, hindi ko narinig dahil malayo sa Yakal ang silid ko. At saka walang sumali sa amin. Palibhasa’y totoy pa kasi. Mga alas
nuwebe na. hindi pa rin nag-umpisa. Wala nang ikot halos. Ayokong maglakad kaya sumakay na lang ako sa isang ikot na naghihintay.
Pagdating sa bahay, naghintay ako. Walang ingay. Inisip ko, baka napostponed. Kaya natulog na lang ako.
Martes. Hulyo 22, 1980
Ginising ako ng sinag ng araw nang mga alas otso. Masyadong late na para sa aking klase. Naligo na lang ako at pumunta sa AS, sa 207 C. tumulong ako sa paglagay ng mga istremer at teasers ng boykot sa Zoo building at first floor hanggang third floor. Pakiramdam ko : tila dumarami ang mga ahente at dyanitor.
Alas nuwebe naumpisahan ang mass assembly. Imbis na alas otso y medya. Tuloy nabago ang pagpapalabas ng sine hinggil sa First Quarter Storm.
Alas nuweba y medya. Mga tatlumpo na kaming nakaupo sa second floor lobby. Nanawagan ng boycott. Nilagyan ng istremer ang dingding at poste. Ang ibang tao ay nag-RTR para imbitahan ang mga estudyante na magboykot. Isa-isang dumating ang mga estudyante. Napuno din ang second floor. Sa wakas!
Nagsalita sina Jeremy Regino at Raffy Aquino ng SAMASA. Ipinaliwanag nila ang mga pakana ng pamahalaan upang kontrolahin ang UP at paglingkurin ito sa interes ng iilan lamang. Dumating ang crew ng isang TV channel at ininterview si Jeremy nang ilang sandali.
Nang marami na ang estudaynte, nagmartsa kami sa first floor tapos sa first pav, second pav, third pav, at lumabas sa fourth pav. Habang dumadaan kami sa mga kuwarto ang panawagan namin ay “boykot”, “sumama na kayo”, “imperyalismo, ibagsak”, “burukrata—kapitalismo, ibagsak”, “peudalismo, ibagsak”, “pasismo ng estado, dudurugin”, “kalayaan,
ipaglaban” at “makibaka, huwag matakot.”
May iba namang pumapasok sa mga kuwarto at nagpapaliwanag, nanghihikayat na magboykot na rin ang mga titser at estudyante. Labasan naman kaagad ang kinausap. Kaya dumami kami nang dumami.
Di dumating nga kami sa gate sa covered walk. Ayaw kaming palabasin ng pulis na may walkie talkie. May instruction daw siya mula sa higher authorities na sa loob lang ng AS ang martsa. Naka!
Sigawan kaagad ang iba, “Palabasin n’yo kami. Pupunta kami sa klase namin sa PHAN.” Iong iba naman, sumigaw, “May klase kami sa Zoo.” Tawanan tuloy.
Nakiusap sina Jessie John Gimenez ng AS Council at Jean Laguerder ng Student Alliance of UP o SAUP. Ayaw talaga. Doon kami sa isang gate malapit sa tambayan ng Panaghiusa. Nakiusap ulit sina Jessie at Jean sa pulis doon. Ayaw din. Kaya balik kami sa first floor ng lobby upang pagprogram. Pagdating namin doon, nalaman naming bukas pala ang gate sa harapan, sa AS steps. Labasan kami. Parang kambing na nakawala sa koral.
Sa AS steps, tila nakulayan ang aming daigdig. Maayos ang AS steps. Maganda ang view. Luntian ang paligid. Makikita pa kami ng mga dumadaan. Mga ngiti ang nagpinta sa aming mga mata at labi. Doon nga kami, nakangiti sa aming maliit na tagumpay. Wika nga, sa kahit anong tagumpay, kailangan ang paggiit o paghanap ng malulusutan.
Mga ilang minuto din kami sa AS steps habang hinihintay naming makombinsi nina Jessie at Jean ang pulis na pamamartsahin na kami. Hindi naman kami manggugulo, rason nila. Tapos, pumayag o. Isang lane lang daw. Okay na rin. Di martsa. Martsa. Martsa. Marami kami.
Sa Education, walang sumama. Pati sa BA. Pero walang katao-tao sa BA. ‘Yon pala, nagboykot na silang lahat at naghintay mula nine hanggang ten. Alas onse na kami dumaan. Wala na. Umuwi na sila. Sa Econ naman, may iilang sumama. Marami sa Law at Eng. Wala sa Music. May iilan sa IMC. Sa may Music, nagkantahan ang iilan ng alto at soprano sa
pagsigaw ng boykot.
Sa admi, sinarhan ang mga pintuan. Takot… Walang kumausap sa amin. Kaya bumalik kami sa AS first floor kung saan may kantahan at talumpatian ng mga lider-estudyante. Nagbigay ng biskwit para pamatid-gutom.
Sa mga pangyayaring ito, nakabuntot sa amin ang pinakasikat na ahenteng photographer ng UP, si Domino alyas Jessie Dominguez ng CCC o Campus Crusade for Christ. (Kasi nang magmiting ang Student Alliance of UP, nag-attend siya tapos nagsign ng pangalan at ang organization daw niya ay CCC. Kawawang CCC!) Nandoon din ang photographer ng UP Police Force. Si Jean Laguerder nga ay pabirong lumapit kay Domino at hiningi ang mga letratong nakuha nito sa nakaraang semestre.
May dalawa ding nakakasuspetsang mga tao na masyadong matanda na para maging estudyante. Nang lapitan ko ang Collegian Photographer upang kunan sila ng pictures pangsouvenir, bigla na lang nawala. Seguro naamoyan.
Pagkatapos ng talumpattian at kantahan, ay ang mga miting hinggil sa mass distribution ng statements, piket, at iba pa. Bumili ako ng corn shake at kumagat-kagat na lang sa mga sandwiches ng mga kaibigan ko.
At pahinga.
Uli ay ang miting. Kasama ko sina Lowella, Babes, Candy, Bella, Chito, Mark at Lou. Misyon: piket sa Caltex. Isyu: planong pagtaas ng presyo ng langis na magpapahirap lalo sa taumbayan at magbibigay lamang ng mas malaking tubo sa mga dayuhang kompanya.
Sumakay kami ng dyip papuntang Faura. Sa likuran kami. Si Lowella nasa harapan. Kinausap niya ang drayber at hiningi ang kuro-kuro nito tungkol sa planong pagtaas ng presyo ng langis at ng sobrang buwis ng gobyerno. May simpatiya ang drayber sa aming pinaglalaban. Alam niya ang paniniil ng kasalukuyang pamahalaan. Nang nasa Taft na kami,
sinabi ni Lowella kung saan kami pupunta. Para hindi kami mahalata, pinababa kami ng dryber isang bloke mula sa gusaling pagpipikitan namin.
Tapos lumakad kami ni Mark. Nauna kami. Ngunit bigla na lang kaming tinawag. Mali daw. Balik kami kaagad.
Dahil hindi pa takdang oras, naghintay kami sa isang isnakan. Nagpepsi kami habang tinitingnan ang grounds ng Caltex. Nang maubos na ang pepsi, kailangang lumabas. Mahirap na kung mahalata.
Naglakad-lakad kami ni Chito. Ngunit nang lumingon kami, nag-umpisa na pala. Kaya lapit kaagad kami. May mga singkuwentang estudyante na. sumisigaw ng “langis isabansa”, “sahud itaas, presyo ibaba” at “imperyalismo ibagsak”. Hawak ang ilang istremer, nagpaikot-ikot kami sa malapit sa pintuan ng gusali ng Caltex. Dumating ang security guard. Pinalipat kami sa may bermuda grass sa harapan.
Sunod naman kami. Sa may bermuda, maraming tao at sasakyang dumadaan. Umupo kami. May nagdidistribute ng AIYC (Anti-Imperialist Youth Committee) statements na tumuligsa sa planong pagtaas ng langis kung saan nasisi ang OPEC (Organization of Petroleum Exposting Countries) gayong sa katunayan naman, ang mga dayuhang kompanya o Seven Sisters (Caltex, Shell at iba pa) at ang pamahalaang Marcos ang nakinabang. May nagsalita din. Si Ruben Felipe ng Eng Council at si Bobby Coloma ng Philippine Collegian.
Habang nakaupo kami, dumating ang press. Photographer ng Daily Express. Kalbo siya. Pinakilala niya si Monica Feria. Nagalak kami. Alam naming progresibong journalist si Monica at ex-detainee nga. Isang sikat na titser sa UP ang kanyang inang si Dolores Stephens Feria.
Pagkaraan ng mga labinlimang minute seguro, may dumating na Ford Fierra. Mga maiitim, malalaking tao ang laman. Ahente. Intelligence. Military, naisip namin. Walang marka ang Fierra.
Lumapit ang pangulo yata nila. Nakapomada. Kumikinang ang ulo, pati noo. Nagtanong siya kung may permit ba kami. Siyempre wala. Sino ba’ng nagbibigay ng permit sa piket? Sabi namin, karapatan naming magpahayag ng aming damdamin. Sabi niya, illegal daw ang ginagawa namin at inimbitahan kami sa headquarters para “magpaliwanag”.
Matapang ang sagot ni Bella, “dahil imbitasyon, puwedeng hindian. At hinihindian naming ang inyong imbitasyon.”
Tinanong ng military kung sino ang lider namin.
Sagot namin, “Kaming lahat.”
Pero naisip yata ng military na sina Ruben Felipe at Bobby Coloma ang lider kasi sila palagi ang sumasagot sa mga tanong at nasa unahan rin sila. Kaya ang dalawa ang binalingan at kinausap na sumama sa kanila para “mag-usap”, “magpaliwanag” at “mabigyan ng mga advises”.
“Kung pag-uusapan natin ang isyu, bakit sa headquarters pa? Ba’t hindi na lang natin gawing public para marinig at makita ng mga tao?” sagot ni Lowella.
Marami-rami na ring tao ang lumapit at nakinig. Parang tumapang kami. “Pag-uusapan natin dito,” hamon namin. Bah, kaya naming magpaliwanag d’yan. Para ano pa ang nalalaman namin sa aming pagbabasa?
Pero medyo kabado na rin kami. Nag-isip na rin kaming umuwi. Kaya sinabihan namin ang military na uuwi na kami. Ngunit…kakantahin muna namin ang Pambansang Awit. Pumayag ang military. Kaya tayuan kami. Magkahawak ang kamay, buong puso naming inawit ang Lupang Hinirang.
Pagkatapos na pagkatapos ng pag-awit, hinawakan ng military sina Ruben at Bobby. Hinila. Hinawakan namin sina Bobby. Hilahan. Na-off balance, bumagsak sina Bobby at Ruben. Dinaganan ni Rose si Bobby para hindi makuha. Klik ng kamera! Hinawakan namin ang dalawa. Tumayo kami. Nag-attempt na naman ang military na hilahin sina Ruben at Bobby.
Bumagsak ulit kami. Umiiyak na ang mga babae. Sumisigaw, “Baboy, baboy, baboy.” Hinawakan ang t-shirt ni Ruben pero hindi pa rin mahila ng military dahil mahigpit ang hawak namin. Nasira ang t-shirt ni Ruben. Niyakap ko nang mahigpit para hindi makuha. Klik ng kamera! At marami nang klik! Ang t-shirt ko naman ang hinila. Akala ko’y mapupunit na talaga. Buti na lang, sabi ng head nila, tama na raw. Nahinto ang hilahan.
Kapit-bisig, lumakad kami. Sigawan pa rin ang mga babae. “Baboy, baboy, baboy.” Isang babae na taga-IMC yata ay humulagpos sa amin at galit na nilapitan ang head ng military, intinuro ang mukha nito at sumigaw, “You, pig!” Kaagad ko siyang hinila. At lumakad na kami.
Nang medyo malayo na kami, sumigaw ang military. May nahuli daw sila. Itinuro nila ang isang binatilyo sa loob ng Fierra. Kasama daw namin. Hindi naman namin kilala. Kaya sinigawan namin, “Hindi namin kasama ‘yan. Pakawalan n’yo na.” At nagpatuloy na kami sa paglakad. Bah, decoy nila iyon. Sabi ni Ruel, decoy nila ‘yon. Hindi nagpumiglas eh.
At lumakad na kami. Isang grupo. Magkakapit-bisig. Mula Caltex hanggang Taft. Nasira ang step-in ni Bella. Tinginan sa amin ang mga tao, nagtaka kung bakit kami nagkakapit-bisig. Hindi namin inintindi. May nag-isip na pumasok kami sa UP Manila para doon mag-seek refuge. May nagsabing baka matrap kami doon.
Sa Taft, hintay kami nang hintay. Hindi na kapit-bisig pero hawak pa rin ang mga kamay ng buddy. Hindi kami sumakay ng dyip. Magkakahiwalay kasi kami. Kaya kahit masakit sa aming bulsa, sumakay kami ng P 2.00 na bus.
Sa bus, kuwentuhan. Bilangan. May nawala ba? Isa—nangngangalang Lida mula sa ibang grupo. Ang sabi ng buddy niya baka pumasok sa gusali ng Caltex dahil sa takot o para mag jingle. At saka may kakilala daw yata si Lida sa Caltex. Pero segurado ang buddy niya na hindi nahuli si Lida. Tatawagan na lang daw niya pagdating sa dorm.
Sa ilang (Residence Hall), kumain kami ng hapunan. Nakapuslit kami nina Bella at Candy at pinagsaluhan namin ang pagkain ni Lowella. Nag-usap kami sa nangyari. Itinawa namin ang lahat ng aming takot at galit.
Tapos, umuwi ako at sinulat ko ito.
Ang karanasan ko ngayon ay hindi nagpanginig sa akin. Pakiramdam ko ay mas lalo akong tumapang. Para bang nakibaka ako para sa buhay ng isang kaibigan. Natutunan ko ang leksyon. Ngayon pa lang. na nasa pagkakaisa ang lakas.
Sama-sama nating buwagin ang pader ng malakolonyal at peudal na lipunan at ng pasistang pamahalaan!
Miyerkules. Hulyo 23, 1980
Unang pumasok sa ulo ko ang piket ngayon. Noon ko pa inaasam-asam ito. Noon ko pa inaasam-asam na pupunta ang mga estudyante.
Pumunta ako sa AS. Salamat na lang at hindi pumasok ang titser ko. Tumambay ako. Maraming ahente kaya nagkunyari akong nagbabasa sa maliit kong notebook. Kahit walang laman . Buti na lang at ilang saglit lang ay dumating sina James, Charlie, Mark at Lorie. Agad-agad kaming nagpunta sa AS steps kung saan may naghintay na mga estudyante para sa piket.
Habang naghihintay kami ng mas marami pang darating, kuwentuhan kami sa nangyari kahapon. Nang dumami na, nag-umpisa ang martsa papuntang Abelardo kung saan magsasalita si OD Corpuz tungkol sa kanyang baby, ang Education Bill.
Dumating ang taga-Narra na may istremer: Narra Residents Oppose Education Bill. Ang martsa namin ay medyo malapit lang. dumaan kami sa Main Libe. Habang naglalakad, isinigaw namin ang “Education Bill, ibasura”, “boykot, sagot sa education Bill” at “langis isabansa”.
Sa harap ng Abelardo Theater, nag-formation kami. Nagsalita ang mga lider-estudyante at faculty members laban sa Education Bill. Nagsalita rin sina Ruben Felipe at Bobby Coloma tungkol sa nangyaring panghaharrass ng military sa piket sa Caltex. Habang nasa labas kami, nasa loob naman si OD, mga titser at iilang mga mag-aaral.
Talumpati. Palakpakan. Sigawan.
Si Domino, ang paboritong ahente, kuha naman nang kuha ng letrato. Napansin namig na special assignment yata niya kami. Sa inis, sigawan kami, “We want Domino.” Dalawang beses. Tatlong beses. Apat. Lima. Marami….”Ahente, ahente, ahente.” Itinuro pa namin. Idineskrayb. Maputi. Maliit. Nakablue. May kamera.
Lahat ay nagboo. Hindi siya makatingin nang harapan. Palinga-linga. Galit siya sa amin. Itinuro na kami. Parang nagbanta ba.
Dahil in popular demand si Domino, kinausap ni Raffy Aquino, ang emcee, na magsalita siya bilang kinatawan ng sector ng mga ahente. Ayaw.
Nang mag-open forum sa loob ng theater, nagkaroon ng break sa program sa labas at nakinig kami sa pamamagitan ng speakers. Ang iba ay umalis para mag-isnak o mananghalian. Ako naman, tikim nang tikim sa binili ng aking mga kaibigan.
Ilang minute lang lumabas na si OD. May sumigaw na “OD, tuta. OD, tuta.” Pinahinto ang sigawan. Tumalima naman.
Nagfromation ulit kami. Nagsalita sina Jessie John Gimenez, Bobby Coloma, Jean Laguerder at Leandro Alejandro ng AIYC. Wala daw nangyari. Sabi ni OD na may amendments daw at hindi na raw isasali ang UP at ang mga state colleges at universities. Pero ang gusto ng pamantasan ay ang pagrepeal ng bill dahil ang laman nito ay ‘yong laman ng isang dating survey na funded ng World Bank.
Ulit nagmartsa kami pabalik sa AS.
Sa second floor, mass di groups, RTR groups at chalk brigade groups. Masaya akong sumali sa study group kung saan si Danny Agoncillo ng LIKAS (Lipunang Pangkasaysayan) ang facilitator. Mga miyembro ng SAPUL ang nandoon. Pinag-usapan namin ang Education Bill. Nagsalita ako sa pagtaas ng presyo ng langis at papel ng kabataan.
Pagkatapos pumunta ako sa tambayan. Habang kumakain, nag-usap kami ni Roma. Pinag-usapan namin ang letrato na nakaheadline sa Daily Express tungkol sa nangyaring piket kahapon. Nandoon daw at klaro ang iilan. At hindi lang Daily Express. Mayroon pa nga daw sa Pilipino Express.
Mga ilang minute din kami sa tambayan. Pinag-uusapan naming ang gagawin bukas. May ahenteng nakamanman pero tuloy parin ang miting. Basta : bukas, martsa sa MEC upang humingi ng dialogue.
Sa bahay, nanood ako ng TV. Baka ito na ang huling panonood ko. Baka mahuli na ako bukas. I-enjoy ang gabing ito sa pagtulog. Bukas ay iba na.
Huwebes. Hulyo 24, 1980
Sa unang pagkakataon, pagkatapos ng
ilang absences, pinasukan ko ang aking klase. Si Nicky Collado ng EKIT ang nanawagan
sa mga estudyante na sumama sa massing up. Pero nainip ako sa kahihintay, kaya
pumunta ako sa Faculty Center conference hall kung saan may simposyum ang Third
world Forum tungkol sa Education Act.
Sa simpo, binasa ni Dean Francisco
Nemenzo Jr. ang kanyang speech. Tinuligsa niya ang EdAct. Nagsalita din sina
Bobby Coloma, Malou Mangahas at Lean Alejandro, na nagpatawa sa lahat sa mga
ekspresyon niya na “Oh my God” at “My Golly”. May isa ding guro na galing sa
ibang paaralan na nakiusap na kahit hindi na isama ang UP sa bill ay makikibaka
pa rin para hindi ito maipasa.
Mga alas dose na seguro natapos ang
simpo. Naglunch ako at naggrupo ulit kami. Pupunta kami sa MEC para humingi ng
isang dialogue kay OD.
Ala-una . marami ng estudyante sa AS
steps. Nandoon na kami. Hawak ko ang aking bag na may lamang tatlong t-shirt.
Baka kanyonin ng tubig. Mabuti na lang at may pampalit.
Mga alas dos na nang dumating ang
mga bus upang ihatid kami sa Arroceros o MEC. Sampung bus lahat ang naglulan ng
mahigit 1,500 mag-aaral na sumama. Sumakay ako sa isa sa mga bus na pinakahuli.
Sa bus, para kaming salmon. Pero
okay na rin. Kantahan. Islogan. Paliwanagan. Kung ano ang ipinaglalaban namin.
Sa daan, dalawang beses kaming hinarang ng pulis. Ngunit pumayag din ang pulis
na paraanin kami. Nakita namin ang nakahelmet at may truncheons na mga pulis.
Sa daan naman, unti-unting bumuhos ang ulan. Lumakas pa.
Sa may UST, may iilang high school
boys na sumakay sa bus namin. Sa university belt nanawagan kami: Boykot!
Nagboykot din kasi ang mga mag-aaral dito dahil sa pagtaas ng tuition fee at
dahil sa mga sirang pasilidades. Isinigaw din naming ang “sahod itaas” at
“presyo ibaba”. Kinanta namin ang kalilikhang awit: piso. Nadaanan naming ang
isang bus na nasira. Nadaanan din namin ang mga kasapi ng League of Filipino
Students na nagmamartsa. Basa.
Si Lowella naman at si Vanessa ng
MassCom ay bigay ng bigay ng instructions sa pagitan ng awit at sigawan ng
islogan. Kung nandiyan na ba ang phone numbers ng Task Force Detainess (TFD) o
ng Free Legal Action Group (FLAG). Baka sakaling magkakahulihan. Kung may buddy
na ba. Na huwag sumigaw ng MHDT o Marcos Hitler Diktador Tuta.
Sa Arroceros, tila na ang ulan.
Babaan kami. Kahawak ko si Rose, ang aking buddy. May pormasyon na sa harap ng
Manila Waterworks Sewerage System (MWSS). Palakpakan ang mga nauna pagdating
namin. Sa may MEC gate, may nakahilerang mga nakahelmet, may dalang truncheons
na barangay o metro aide brigades.
Nagsalita si Jeremy Regino (ng Pi
Sigma Fraternity) laban sa tuition fee increase na siyang pinaboboykotan ng mga
estudyante sa university belt. Tinuligsa din niya ang pagtaas ng presyo ng
bilihin. Ang sagot ng mga mag-aaral ay “rollback tuition fee” at “sahud itaas”
at “presyo ibaba”.
Palakpakan ang mga empleyado ng
MWSS. Fans!
Hindi pa nga kami nakasigaw laban sa
Education Bill, bigla na lang bumuhos ang malakas na ulan. Pero hindi kami
umalis. Iyon pala, kasabay ng ulan ay paglusob ng mga brigades.
Hampas dito. Hampas doon.
Narinig ko, may sumigaw pa rin,
“Makikibaka, huwag matakot”. “Upo, upo.” Ito ang command na narinig naming nasa
hulihan.
Umupo naman kami. Passive resistance
ala Gandhi ang nasa isip ko. Ngunit nasaktan na ang mga nasa harap kaya
nagtakbuhan na. Nabuwag ang kordon. Kaming nakaupo sa likod ay kailangang
tumayo at tumakbo upang hindi madaganan. Takbuhan na. Kasabay ng malakas na
ulan ay ang sigaw ng kapwa ko mag-aaral. Ang sigaw ng mga kababaihan at ang mga
yabag ng mga pang nagsisitakbuhan. Nahati sa dalawa ang grupo. Ang isa pumasok
sa MWSS.
Ang ikalawang grupo nasa labas.
Kami.
Ang lakas ng ulan. Masakit ang bawat
patak nito sa aking balat. Sabi ko sarili ko, “Don’t panic”. Hinawakan kong
mabuti ang aking buddy. At lumakad kami. Mabilis. Ilang hakbang pa lang ay
nakita ko si Candy. Walang buddy. Umiiyak. Nagmumura.
“Mga walang hiya kayo! Mga walang
hiya kayo!”
Kaagad hinawakan ko siya at lumakad
kami. Napalapit kami sa pintuan ng MWSS. Nasa loob ang iba habang nananggalang
ang ilang mga lalaking nasa labas sa mga palo ng brigades.
Puwede kaming pumasok sa MWSS. Pero
paano kung matrap? Huli. Kaya binilisan naming ang aming paglalakad.
Nakita namin si Bella. Humahawak sa
steel fence ng MWSS. Umiiyak din sa galit. Sumisigaw, “Bakit kayo tumatakbo?
Huwag kayong tumakbo! Huwag kayong matakot! Makibaka tayo! Makibaka tayo!”
Tama. Pero ngayon wala kaming laban.
Hinawakan ko si Bella. Ayaw sanang bumitaw. Kinausap namin. Sumunod din. Tatlo
na ang hawak-hawak ko.
Nakita ko ang iba. Nagsisiuwian na
ang iilan. Nahinto nang pansamantala ang banatan. Ako, iniisip ko ko nang umuwi
dahil tatlong babae ang hawak ko. Baka magkabanatan ulit. Nasa MWSS pa naman
kami. Mga ilang metro lang ang mula sa aming kinatatayuan ang paluan. Nakita
rin namin ni Bella at Candy ang kanilang mga buddies. Kaya balik sa isa ang
buddy ko.
“Regroup! Regroup!”
Pumailanlang ang sigaw. Sabay sa
muling pagbuhos ng lakas ng ulan. Nagregroup nga. Ang nasa labas lang. ang iba
naiwan sa loob. Safe na sila dahil sinarhan na ang pintuan. Hindi na nakapasok
ang mga brigades. Muli ang paglinya. Kapit-bisig. Sampu bawat linya.
“Makibaka, huwag matakot!” Galit na
ang sigaw.
Ngayon, dalawa na ulit ang buddy ko.
Pangalawa si Irish na nawalan ng buddy.
Martsa. Inilubog naming ang aming
mga sapatos sa bumabahang daan. May isa ba naming nagpayong pa rin kahit
basing-basa na kaming lahat. May natakot na baka tamaan ang aming mata sa payong
kaya pinatiklop namin. Tiniklop naman.
Martsa. Papuntang Taft. Uuwi na
kami. Nakasunod ba naman ang mga brigades. Martsa pa rin. Nasa Taft na ang
unahan ng linya. Nahinto ang takbo ng sasakyan sa Taft. Binanatan na ang kordon
sa likod. Nasa likuran pa naman kami.
Para mahinto ang paluan sa likod,
may nag-umpisang kumanta ng Pambansang Awit. Kantahan kami. Nahito ang paluan.
Nang matapos ang awit, nag-umpisa na ang takbuhan sa harap. At ang banatan ulit
sa likod.
“Disperse!” Sigaw ng lider-estudyante.
Takbo kami nina Irish at Rose.
Kapit-bisig pa rin. Biglang bumagsak si Irish. Tinulungan kong tumayo. Malaki
pa naming babae. Takbo kami uli. Nang…. PAK! Natamaan ng truncheon sa likod si
Irish. Bagsak siya. Kasama ako. Gusto ni Rose na tulungan kami ngunit pinatakbo
ko na lang. Para hindi mabanatan. Tumalima siya. Nasa likod na talaga namin ang
mga truncheons na dala ng mga taong ang balat ay nagblend sa dilim. Gabi na
kasi. Mabuti na lang at hindi kami binanatan ulit. Naawa din seguro. Bagsak na
kaming dalawa e.
Sa kanan ko si Candy. Bumagsak din.
Binalikan siya ni Marc na kakatayo din lang. ngunit nahulog ang bag nito. Hindi
na niya nakuha pa. Gusto kong kunin ngunit nasa likod na talaga ang shield na
kumikinang sa dilim. Nagkalat ang mga bag, payong, step-in at mga notebooks sa
daan. Wala nang pumulot. Mga brigades na lang seguro.
Tumayo kami ni Irish. Tumakbo.
Tinalon ang island. Kahit mataas, nakayanan namin itong lundagin. Sumakay
kaagad kami sa dyip na nakahinto dahil sa traffic light. Nauna sa dyip sina
Vicvic at ang syota niya.
Ang dyip ay papuntang Baclaran pala.
Kaya huminto kami sa may TM Kalaw. Sa may malapit sa National Libe. Nagkita
kami doon nina Leo at mga kasama niyang mga babae. Kumustahan kami. Halos
nagyakapan nga. Nawala daw ang glasses niya. Nag-isnak kami. Basa ang pera ko.
Nilibre ako ni Vicvic.
Pagkaraan ng ilang minuto, lumakad
na kami pa-Taft. Pagliko namin sa isang bloke, nawala sina Leo. Hinanap namin.
Hindi namin nakita. Natakot kaming baka nahuli na. Pero naisip din naming bka
nakasakay na.Tatawagan na lang pagdating sa dorm.
Dahil madilim na talaga—alas siyete
na yata--- nagpatuloy na lang kami sa paglakad. Sa Taft, nagkanya-kanya na kami
ng sakay. Naawa ako kay Irish. Baka pagalitan ng mga parents niya.
Sumakay ako ng dyip pa-UP. Nakasakay
ko ang tatlong taga-ISWCD. Ang lalaki ay umupo sa harapan. Sa hulihan ang
dalawang babaae. Ayaw sanang umupo ng isa sa tabi ko sa takot na mabasa lang
ako. Sinabihan ko siya na basa rin ako kaya umupo din siya. Nag-usap kami.
Fourth year daw sila. Ang isa nawalan ng relong SEIKO. Inilagay niya sa bag na
nahulog naman nang magkatakbuhan. Sa Quiapo sila bumaba. Dito parang naulinigan
ko ang sigaw. “Makibaka, huwag matakot!” Naisip ko baka nagregroup ulit sa
Quiapo.
Sa Ilangm dorm, nagkuwentuhan kami.
May nawalan daw ng malay. ‘Yung iba daw, binanatan kahit nasa dyip na. Sabi din
daw sa TV sa seven o’clock news, “Nothing untoward happened.”
Noon ko napansin ang aking sapatos
na nasira. Pati pantalon ko. At may sugat sa aking tuhod. Dahil sa pagbagsak
ko. Mahapdi. Masakit. Ngunit mas masakit ang katotohanang ang mga taong siya
sanang tagapagbantay sa amin ay siya pang pumapalo. Mas masakit ang
katotohanang ang paghingi ng isang dialogue at matiwasay na demonstrasyon ay
guguluhin ng mga brigades, ng mga taong binabayaran ng mga buwis ng mga
magulang ng mga kabataan.
Nang makarating ako sa amin,
nagpalit kaagad ako ng damit. Ginamot ko rin ang aking sugat. Tiningnan ko ang
mga damit sa aking bag. Basa din.
Biyernes. Hulyo 25,
1980
Nanaginip ako. May hawak daw akong
AK 47 at pinagbabaril ko ang mga pasista. Sayang nagising pa ako. Sana totoo.
Ang klase ay sinuspende. Bagyo.
Signal number three. Nagbabagyo rin ang damdamin ko. At ang UP community dahil
sa ginawa ng mga brigades. May indignation rally nga.
Pupunta na sana ako nang kausapin
ako ni Dante, isang boardmate. Hihiramin daw niya ang ginagamit kong
typewriter. Kaso naisoli ko na kay Randy. Kaya sumama na lang siya sa akin kina
Randy. Si Randy ang nagtype. Isang page lang naman. Sulat sa DCMT dahil
nakaabsent siya.
Pagkatapos, nagpunta kami ni Randy
sa newscenter para bumili ng dyaryo ngayon at kahapon, lalo na ang Daily
Express at Evening Express kahapon. Kung saan nandoon ang mukha niya. Walang P.E.
kaya bumili na lang kami ng People’s Journal at Daily Express kahapon. Maganda
ang kuwento.
Nanghiram ako ng pera kay Randy at kumain
kami sa shopping. Tapos, sa Ilang kami nagpunta. Inutusan kami ni Lowella na
dalhin ang isang sulat sa Collegian Office. Nagpunta kami sa Vinzons tapos
nagpahinga sa may lobby para magbasa. Lumakad ulit kami papuntang Molave.
Tatanungin lang ni Randy ang kapatid ng roommate niya kung ito ay uuwi sa
probinsiya.
Sa daan, nasalubong namin ang
taga-Ilang na nagmamartsa papuntang AS. Sa may Eng naman, nakita namin ang
taga-Yakal at Molave yata na nagmamartsa. Pa-AS din. May kordon pa.
Sa Molave, wala ang utol ng roommate
ni Randy, kaya balik kaagad kami sa AS pagkatapos mag-iwan ng message. Umuulan
ba naman. Malakas. Halos masira ang payong namin.
Sa AS steps, marami na ang
nagmass-up. Nagsimula na nga ang martsa. Malakas pa rin ang ulan. Basa lahat ng
nagmartsa. Pero patuloy pa rin.
Sa admi, parang cheering squad ang
mga empleyado ng Quezon Hall na pumapalakpak sa kanilang pakikiisa sa
ipinaglalaban namin. Lahat ng sumali ay talagang galit. Galit sa pagpalo at
galit sa coverage ng TV. Kahit nga ‘yong kaklase ko na maaral, sa kauna-unahang
pagkakataon ay nakita kong sumama.
Habang nagmamartsa, kuwentuhan ang
taga-dorm sa nangyari kagabi. Nagkaroon pala ng press conference sa Sampa kung
saaan inilahad ng mga pumunta ang tunay na nangyari. Nagpunta sa Sampa ang
taga-Ilang, Kamia, Molave at Yakal. Nagkaroon din ng noise barrage mula alas
dose hanggang alas dos.
Sa admi, umupo kami ng ilang minuto.
Maliban sa pasismo ng estado at ng Education Bill, ipinalabas din ang balak na
itataas ang presyo ng langis. Pagkatapos, patuloy ang martsa. Sa may Eng, may
sumama. Sa Kalayaan Residence Hall, huminto kami at sumigaw, “Kalayaan,
palayain!” at “Sumama na kayo.” Tinginan ang mga freshmen. May ilan ding
sumama. Sa Ilang, marami-rami rin ang sumama. Nang dumaan kami sa International
Center, sigawan ang iilan, “IC, join us”. May ilang taga-Molave na inenggles
ang mga islogan: Imperialism, down, down, down: down at state fascism, crush,
crush, crush. Tawanan. Pero pinuna kaya nahinto. Sa SE at BA, umandar na naman
ang taga-Molave. “Eco baba” ang sigaw sa SE. Sa BA naman, “BA, make baba!”
Sa AS steps din kami nagbalik.
Umupo. Bumili ng mais. Kumain habang ulan nang ulan. Ang mais vendor pala
kasama din namin sa pagmartsa pero hindi ‘yong buong martsa. Nagsalita si Lean.
Masigabo ang palakpakan. Magaling siyang magsalita.
Alas dose. Disperse na. babalik daw
ng alas dos para sa study group. Si Joel, Pol at ako ay umuwi. Humiram si Joel
ng damit kay Pol. Pagkatapos, pumunta kami sa kanila upang kumain. Nanghiram
din si Joel kay Pol.
Tapos, balik ulit sa second floor
lobby. Kantahan. Nang mag-umpisa ang mga study groups, nag-umpisa din ang tulog
ko. Talagang di ko na kaya. Alas singko y medya na ako nagising. Tapos na ang
diskusyon. Nagsalita si Jean Laguerder. Nagroll call ng mga kasapi ng SAUP.
Alas sais. Binigyan ako ng dalawang
tiket ni Mitz sa Little Theater. Pinanood namin ni Randy. Dalawang one act
plays pala: pag pinalad Lilipad at Larawan, kung saan si Rita Gomez ang aktres.
Maganda ang mga dula at magagaling ang mga actor at aktres. Kaya lang, may
hang-over pa kami sa mga nangyari kaya para sa amin, walang kabuluhan.
Martes. Hulyo 29, 1980
Ang mga mag-aaral ay nagkita-kita sa
AS steps kasama ng ilang miyembro ng Faculty. Pagkatapos ng klase ko, pumunta
kaagad ako sa AS steps. Nagmartsa kami papuntang IBP (Interim Batasang
Pambansa) upang tutulan ang Education Bill.
Mula sa AS nagmartsa kami. Ilang
libo seguro. Sa BA, may sumama. Sa Eng, huminto kami at nagprogram. Nagkantahan
sa pangunguna ng UP Repertory. Si Behn Cervantes ang emcee. Tapos martsa ulit.
Dumaan kami sa DCMT. Palabas. Mga 6,000 lahat ang sumama. Sa may gate, huminto
kami.
Negotiations. Negotiations.
Negotiations.
Para patuluyin kami sa pagmartsa.
May Metrocom na may shield at truncheons na nakahanda na para sa amin sa may
Iglesia ni Cristo. Panakot. Dumaan ang water tank. Nagboo kami.
Dumating si Mel Mathay. Nag-explain
siya na hindi naman isasali ang UP, kaya bumalik na lang daw kami. Sumagot si
Malou Mangahas, “We want the total scrapping of the bill.”
Wala daw kaming permit, sabi ni
Mathay.
“The permit is just another
bureaucratic procedure,” sigaw ni Cervantes.
Nagsalita din si UP President
Emmanuel Soriano, “I understand your sentiments, your…..”
“We,” sigawan kami. Kinorekan siya.
Biro mo bang hinihiwalay niya ang sarili sa mag-aaral at guro. Talagang lumabas
lang ang tunay niyang kulay.
Nangangagat ang init ng araw. Kaya
tinanong ng mga lider-estudyante kung babalik kami. Malakas na hindi ang sagot.
Kaya lumabas na kami sa UP ccampus. Sa tapat ng new Era College. Humarang and Metrocom
sa daan. Walang makadaang tao o sasakyan. Ang dami pa namang taga-press. Muli,
inayos ang kordon, dinoble.
Negotiations. Negotiations.
Negotiations.
Nakita ko si Roland. Against siya sa
mga demonstrations noon pero heto kasama namin ngayon. Nakita lang niya ang
kawastuan ng ginagawa ngayon. Nakita ko rin ang isang ahente na ‘pag titingnan
mo parang estudyante. Halatang nagmamanman siya. May iilang estudyante ring sa
takot na magkapaluan, umuwi na. Pero nandoon pa rin ang karamihan.
Para hindi banatan ng mga Metrocom,
mga babae ang ginawang kordon sa harap. Kaya ang mga Metrocom naman ay nagharap
naman ng mga babaeng pulis na malalaki ang mga katawan.
Di hintay kami. Narinig na lang
namin sa megaphone na may 20 minutes daw kaming maghihintay kay Dean Nemenzo
para kumuha ng permit sa city hall. Pero nang umalis si Dean, binigyan kami ng
chief ng “ten minutes to return to UP”. Walang nagawa, bumalik na lang kami.
Habang nagmamartsa pabalik, namigay ng tubig ang Frat AI members. Tumutulong
nga si Ron, freshman sa block namin.
Kasama ni Jeremy Regino at Ron,
pumunta kami sa Vinzons para kumain. Hindi ko naubos ang pagkain ko. Naguilty
tuloy ako. Heto ako, sobra ang pagkain habang ilan kaya ang walang makain
ngayon?
Pagkatapos ng tanghalian, nagpunta
ako sa tambayan at nagpahinga.
Alas dos. Naggrupo ulit kami. May
delegasyon na pupunta sa IBP para sa sesyon tungkol sa bill. Nasa harap na ng AS ang blue coaster na ipinangako ni
Mathay na “magdadala sa inyo sa Batasan”. Mga trenta lang naman ang laman ng
coaster.
Kaya habang nasa IBP ang iba, kami
naman ay sa Liwasang Bonifacio kung saan babatikusin ng mga mag-aaral ng
ibat-ibang pamantasan ang Education Act, tuition fee increase, sira-sirang
pasilidades, militarisasyon sa kampus, at iba pa. at mga sakit ng lipunan.
Sa liwasan, maraming aides. Pero
hindi kasing dami ng sa Arroceros. Hindi yata nagpakita pagkatapos ng insidente
sa Arroceros na nakaabot na sa international press. Bumaho lalo ang Marcos government
dahil sa pangyayaring iyon.
Umupo kami sa may paanan ng monument
ng dakilang anak-pawis. Nakita ko ang boardmate ko! Dumating ang taga-FEATI,
UE, at iba pang pamantsaan. Binigyan kami ng pulis ng 15 minutes para
magprogram tapos umalis na. Kinanta namin ang Bayang Magiliw. Kaagad nagtime na
ang pulis. Sabi ni Milabel Cristobal, isang student leader ng UP, na hindi na
nag-umpisa ang program kasi hindi pa dumating ang iba.
Nang dumating ang iba, lumipat kami
sa steps ng post office. Bigla sinarhan ang mga pintuan ng gusali. Kaagad
napuno ang steps ng may mga 6, 000 kabataan. Dumaan ang dalawang fire trucks.
Lumapit ang mga brigades.
Nagsalita ang mga kinatawan ng UP,
UE, FEU, FEATI, Lyceum at iba pa. umabot din ng mga dalawang oras ang programa.
Kaming nasa gitna, di alam kung saan
ang exit kung saka-sakali may paloan. Kaya sa loob ng dalawang oras nasa
tension kami.
Nang maorder ang disperse, medyo
nakahinga ako. By twenties ang pag-alis namin.Sigawan kami sa grupo namin.
“Babalik kami, babalik kami. Mas marami. Kasama ang syota. Kasama ang tatay.
Kasama ang nanay. Kasama ang aso.”
Maraming ahente sa lugar ang
nakamata sa amin. Pero matiwasay pa rin kaming nakaalis sa lugar na iyon. Umuwi
kaming Masaya. Iyon ang pinakamalaking demonstrasyon mula noong 1977.
POSTSCRIPT
:
Sabado. Hulyo 24, 1982
Inayos ko aking mga gamit. Nakita ko
ang isang statement na inilabas ng USC bilang paggunita ng Hulyo 24 at Hulyo
29, 1980.
Oo nga, dalawang taon na ang
nakalipas dumaan ang Unang Sigwa ng Dekada Otsenta.
Marami na ang nangyari sa loob ng
dalawang taon. Napass ang Education Bill noong summer kahit may oposisyon ng
mga mag-aaral at mga guro. May amendments na maging under ang UP “as long as it
does not run counter to the UP Charter.” Ganito rin ang probisyon para sa mga
state colleges at universities.
Ngunit….hindi pa tapos ang pagtutol.
Talagang marami na ang nangyari. Si Bobby Coloma, nasa WHO
magazine na. si Domino may kaso daw yata laban kay Bentain. Chief ng UP
Security. Si Jean Laguerder ay gumradweyt na raw. Ang Student Alliance ng UP ay
nagging batayan ng SAMASA. Ang AIYC ay nagging Youth for Nationalism and
Democracy.
Ako ay narito pa rin, sumusulat ng
aking talaarawan. Sumusulat ako para sa susunod na mga mag-aaral. Para malaman
nila ang nangyari na noon at magpapatuloy sa pakikibaka.
Hanggang….
Ang kilusang estudyante ay nakakuha
na ng maraming leksyon sa Unang Sigwa ng Dekada Otsenta. At dahil sa mga
leksyon ito ay patuloy ang pag-unlad, ang pagkilos.
Ngayon, may iilang nagkakaroon ng maling
oryentasyon na pumintas sa mga islogan at pangmasang aksyon bilang isang
marahas na aksyon sa panahong iyon. Hindi lang sila nagbasa sa kasaysayan ng
mga pangmasang pagkilos ng mga mag-aaral. Ang sinumang nagsabi ng ganito ay
nang-insulto sa mga mag-aaral at gurong lumahok sa mga pagkilos na yaon. Ininsulto
rin nila ang buong pamantasan sapagkat ang mga mag-aaral, guro at kawani ay
buong igting na umayaw sa bill ni Corpuz. Kung wala ang mga pagkilos na iyon,
seguradong ipapasa ang bill nang walang mga pagbabago. Malinaw na ang mga
aksyong ito ay nagawa lamang nang namalayan na wala at walang mangyayari sa mga
sulat ng protesta lamang.
Alam ko, ipagmamalaki ang mga
kabataan na tumugon sa tawag ng panahong iyon. Ngayon at kailan man.