Ang pagpaslang kay Roberto Rivera, isang organisador ng Alyansa ng Manggagawa sa Valenzuela o AMVA ang pinakabrutal na insidente sa kasalukuyang kampanya ng panunupil sa kilusang paggawa sa Valenzuela.
Noong ika-20 ng Abril, 1990, matapos ang halos isang buwang paghahanap ng asawa at magulang kay Obet, natagpuan nila ang kanyang bangkay sa Funeraria Popular. Pugot at di-makita ang ulo, putol at nawawala ang kaliwang paa, at napakaraming pasa sa katawan. Ang pahirap na dinanas bago siya pinaslang ay kitang-kita sa brutal na kalagayan ng kanyang bangkay. Ang sabi ng punerarya, noon pang ika-29 ng Marso 1990 namorge ang bangkay ni Obet nang ito’y matagpuan sa isang lugar sa Fairview.
Pinakahuling nakitang buhay si Roberto Rivera sa ika-27 ng Marso 1990, sakay ng SSI minibus galling sa kanilang tahanan sa Gremville Subdivision, Bagbaguin, Caloocan City, papuntang Balintawak. Pinara ng tatlong armadong kalalakihan ang kanyang sinasakyang bus at doon ay binugbog at pinagtatadyakan. Nang nagmamakaawa ang mga kapwa pasahero na itigil na ang pambubugbog, sinabi ng isa sa kalalakihan na ito’y holdaper.
Pagkatapos bugbugin at nang bumulagta na, isinakay siya ng mga berdugo sa kanilang kotseng sinasakyan at kaagad na itinakas. Simula noo’y hindi na nakauwi si Obet sa kanyang pamilya.
Kinabukasan din ay hinanap na siya ng kanyang asawa at mga magulang sa mga kaibigan at katrabahong maaaring tulugan. Hindi pangkaraniwan sa kanya ang hindi magpaalam kung saan tutungo o kung hindi man makauuwi sa gabi. Lalo ngayon na kapapanganak pa lamang ng kanyang asawa. Sinuyod nila ang mga himpilan ng pulisya at kampo ng military sa Kamaynilaan ngunit nabigo silang siya’y matagpuan.
Si Roberto Rivera ay isa lamang sa maraming biktima ng kampanyang panunupil sa kilusang paggawa at karagdagan sa mahabang listahan ng pamamaslang na bunga ng patakarang Total War ng rehimeng Aquino.
Ang patakarang ito ng rehimen sa sulsol ng kanyang among U.S. ay nagtutulak at nagbibigay bangis sa kanyang mga pasistang pulis at military na palaganapin at isagawa ang iligal na pandurukot, surveillance, pang-aaresto at karumal-dumal na pamamaslang sa mga mamamayang naghihirap, nagproprotesta at lumalaban tulad ng Kasamang Roberto Rivera at iba pang naunang biktima.
Partikular sa Valenzuela, ang kampanyang panunupil sa kilusang paggawa ay kinatatampukan ng isang serye at papatinding atake ng mga pulis at military ng gubyernong Aquino na siyang instrumento sa paghahasok ng lagim at karahasan sa hanay ng manggagawa at mamamayan.
Ilang panahon pa lamang ang nakalilipas mula ngayon, maraming piket layn na ang binuwag at pinag-aaresto ang mga manggagawa sa pamumuno ni Capt. Tiqua ng Metropolitan Police Field Force (MPFF) at CAPCOM. Buhay na pangyayari ang naganap sa Tulco industries sa Mapulang Lupa, Sosan industries sa Dalandanan, sa Pacific Ceramics sa Maysan Rd., sa EMP Taxi sa Marulas, at nitong huli, sa S.Y. industries sa Karuhatan na kinamatay ni Moises Florina noong ika-27 ng Pebrero nang ito’y barilin ng mga elemento ng karahasan. Ang pagpatay kay Bong Cuerdo, na isa ring organizer ng AMVA noon at ngayon, si Kasamang Roberto Rivera, ang pinakabagong biktima ng panunupil at pamamaslang.
Malinaw ang layunin ng rehimeng Aquino sa patakarang Total War. Nais nitong ihambalos ang pasismo sa hanay ng sibilyang manggagawa at mamamayan. Sa pamamagitan ng paggamit nila sa kanyang pasistang pulis at military, nais nilang pigilan ang mga manggagawa at mmamayang tumututol at lumalaban para sa pangkabuhayan at pampulitikang karapatan.
Ilang ulit na nila itong tinangka, ilang ulit na rin silang nabigo, ngayon ay muli na namang nagtatangka at tiyak na sila’y muling mabibigo. Dahil habang may paghihirap at panunupil, makikipaglaban ang mga manggagwa’t mamayan at patuloy silang susulong hanggang ganap na mabago ang bulok na lipunan.
Sa pagkamatay ni Kasamang Roberto Rivera, kondenahin natin ang pasistang kampanya laban sa manggagawa’t mamamayan. Kondenahin natin ang gubyernong Aquino at pasistang pulis at military bilang utak ng kampanyang ito at hilingin ang katarungan sa brutal na pagpaslang kay Ka Obet at sa lahat ng biktima ng panunupil.
Ihatid natin sa mga reaksyonaryo at pasista ang mensahe ng ating pagdadalamhati. Ang pagkamatay ng ating kasama na si Roberto Rivera at hindi makapipigil sa pagsulong ng ating pakikibaka, bagkus ito’y inspirasyon ng libu-libong manggagawang naniniwala’t nagsusulong ng pakikibaka para sa pambansang paglaya at pagkamit sa tunay na demokrasya.
Ang araw ng libing ni Kasamang Roberto Rivera ay araw ng pagluluksa ng mga manggagawa, isang araw ng pagprotesta’t paglaban ng mga manggagawa sa Valenzuela at iba pang karatig bayan, huhugos sa kalsada at siya’y ihahatid sa huling hantungan upang imarka ang panatang patuloy na isusulong ang kilusang mapagpalaya hanggang sa tagumpay.
KATARUNGAN KAY ROBERTO RIVERA AT SA LAHAT NG BIKTIMA NG KARAHASAN NG REHIMENG AQUINO!
ITIGiL ANG SALVAGING!
KATARUNGAN SA LAHAT NG BIKTIMA NG SALVAGING!
KATARUNGAN SA LAHAT NG BIKTIMA NG KARAHASAN SA MGA PICKET LAYN!
ITIGIL ANG MGA PANDURUKOT AT SURVEILLANCE NG MILITARY!
LABANAN, WAKASAN ANG PAKANANG TOTAL WAR NG REHIMENG AQUINO!
Alyansa ng mga Manggagawa sa Valenzuela (AMVA)
Ika-2 ng Mayo, 1990