Wala na si Dek. Kanina ko lang nalaman, via Facebook; namatay yata siya kanina, 12 Peberero 2016. Nakalulungkot. Ipinaalam ko sa mga kasama't kaibigan namin na wala na siya; ang tawag namin kay Manny noon, sa UP Diliman, noong 1980s, ay Dek dahil mahigit isang Dekada na siyang kumikilos noon. Tibak na siya bago pa mag-Martial Law. Artist din si Dek, at patuloy siya sa pang-drawing at pagpinta habang organisador at leader siya sa kilusan noon. Magka-collective kami ni Dek noon. Malimit kaming magpulong at matulog sa bahay nila sa Tandang Sora. Instructor din siya, tagapagbigay ng mga kurso sa maraming tibak, kasama na ako. Pasensyoso si Dek sa kakulitan ko at ng iba pang kasama. Huli kaming nagkita ni Dek noong late 2011 o early 2012; may reunion kaming magkaka-collective sa University Hotel; pagkatapos ng reunion, tumuloy kami sa Max's Restaurant sa Scout Tuazon, kasama nina Louie, Ferdie, at Ruben. Pinagusapan namin ang Project Nameless. Sang-ayon si Dek sa project. Hindi ko naisip na pararangalan natin si Dek ng ganitong kaaga. Salamat, bok, sa lahat ng alay mo sa bayan. (Bong Ramilo, Darwin, Australia, 12 Pebrero 2016).